paliparan

Nabitin ako sa kwento natin kaya gusto kong dugtungan
Alam kong nasa iisang lugar lang tayo
Pero di ko alam kung paano at saan kita hahanapin
Madami sanang paraan, kung may alam lang akong pangalan
Mamumukhaan kaya kita kapag nag krus ulit ang landas natin?
Sa sandaling pag-uusap, alam ko nang may ginawa ka sa akin
Hindi, bago pa pala yun
Sa labas ng paliparan, kung saan una kitang nakita …
Alam ko na
Nakakainis ka kasi
Ngiti ka ng ngiti, di ka naman nagpakilala
Lingon ka ng lingon, pero sana man lang lumapit ka pa
Mukha ba akong suplada?
Nginitian din naman kita a
Pasensya na, di kasi ako masyadong sanay sa mga ganitong bagay
Dapat ba ako ang lumapit?
Nag-aantay ka lang ba?

Dati, pinagdarasal ko na sana may makilala ako
Ngayon, nagdarasal ako na sana magkita ulit tayo
Sa panaginip ko, pinagsalubong muli na para bang itinakda
Sa isip ko, lumapit ka at pinaalala mo na may ikaw at ako
Sa imahinasyon ko, sa muli nating pag-uusap, natapos na ang paghahanap

Meron akong pakiramdam na parang may inaantay ako
Para bang nung nasa kolehiyo
Alam kong bukas, makikita ko ulit ang taong ito
Pero sa pagkakataong ito, ang pag-asa parang meron, parang wala
Ang kilig, nagiging sakit
Kasi hindi ko pa din naman alam kung nasaan ka na
Sana lang, naiisip mo din ako
Sana lang, hinahangad mo ding bigla na lang akong nasa harap mo
Siguro, kapag pareho tayong humiling
Di magtatagal, pagdurugtungin ang buhay natin

Leave a comment